Pamamahagi ng fuel voucher sa mga lalawigan, sisimulan sa August 28

by Radyo La Verdad | August 20, 2018 (Monday) | 17171

METRO MANILA, Philippines – Matapos na masimulan ang distribusyon sa Metro Manila, handa na ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) at Land Bank of the Philippines sa pamimigay ng fuel voucher sa mga probinsya.

Ito ay isang programa ng pamahalaan upang matulungan ang mga public utility jeepney (PUJ) operator na lubhang apektado ng pagtaas ng presyo ng nga produktong petrolyo dahil sa TRAIN law. Ang bawat voucher card ay naglalaman ng 835 piso na pang gasoline, isang beses kada buwan.

Ayon kay LTFRB Chairman Martin Delgra, sisimulan ang pamamahagi ng fuel voucher sa mga PUJ operator sa mga lalawigan sa ika-28 ng Agosto.

Kasama sa mga makatatanggap ng ayuda ang mga PUJ sa mga rehiyon ng 2,4,6,7,8,9,11 at 12. Target namang simulan ng LTFRB ang pamamahagi ng fuel voucher sa iba pang mga lalawigan sa ika-31 ng Agosto.

Bagaman malaking bagay na ang ayuda ng pamahalaan, para sa ilang jeepney driver mas makabubuti kung gawan ng paraan ng gobyerno na mapapaba ang presyo ng mga produktong petrolyo.

Nitong ika-14 ng Agosto, nasa 738 pa lamang na mga fuel voucher ang naipapamahagi ng LTFRB sa Metro Manila.

Dahil dito, plano ng ahensya na makipag-ugnayan sa mga lokal na pamahalaan upang magkapaglagay ng mga distribution center sa mga lugar na mas madaling mapupuntahan ng mga jeepney operator para sa mas mabilis na pag-iisyu ng mga fuel voucher card.

 

( Joan Nano / UNTV Correspondent )

 

Tags: , ,