METRO MANILA – Nangako si Department of Social Welfare and Development (DSWD) Secretary Erwin Tulfo na mas maayos na ang pamimigay ng educational assistance sa mga mahihirap na mga estudyante sa bansa sa mga darating na Sabado (August 27).
Ayon kay Sec. Tulfo, nag-usap na sila ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Seretary Benhur Abalos para doon na lang sa mga lungsod at bayan-bayan ang mga payout.
Ayon kay Sec. Tulfo, mga DSWD social worker pa rin ang mag-iinterbyu sa kliyente habang ang LGU ang magbibigay ng pwesto kung saan ang payout at mga karagdagang tauhan tulad ng mga cashier, pulis, at mga traffic enforcer at mga tanod.
Ang DSWD worker din ang magtatakda kung magkano ang ibibigay na ayuda sa bawat estudyante.
Muli namang humingi ng paumanhin ang kalihim sa nangyaring gulo sa distribusyon ng educational assistance nitong Sabado (August 20).
Samantala hindi na kabilang sa bibigyan ng educational cash assistance ang mga benepisyaro ng Pantawaid Pamilyang Pilipino Program (4Ps).
Paliwanag ni Sec Tulfo, may natatanggap nang P600 – P800 kada buwan na educational aid ang mga miyembro ng 4Ps kaya hindi na sila sakop pa ng ipinamamahagi ngayong ayuda ng ahensya.
Sa huling datos ng DSWD, umabot sa 48,000 na mga estudyante ang nabigyan ng unang bugso ng ayuda.
Katumbas ito ng nasa P141-M na naipamahaging educational cash assistance.
(JP Nuñez | UNTV News)
Tags: DSWD, Educational Cash Assistance