Disqualification case vs Senator Pimentel, inihain sa Comelec

by Jeck Deocampo | October 22, 2018 (Monday) | 19243

METRO MANILA, Philippines – Nahaharap sa isang disqualification case si Senator Aquilino “Koko” Pimentel III kaugnay ng pagtakbo nito sa 2019 senatorial elections. Naghain ngayong araw ng petisyon sa Comelec si Attorney Ferdinand Topacio upang ipakansela ang certificate of candidacy nito.

 

Katwiran ni Topacio, nakakadalawang termino na bilang senador si Pimentel mula 2007 hanggang 2013 at mula 2013 hanggang 2019 kaya’t lalabas na ikatlong termino na nito sakaling payagan itong tumakbo at muling manalong senador sa 2019 elections.

 

“Hindi siya eligible dahil lumalabag na siya sa two consecutive term limit ng saligang batas,” ani Attorney Topacio.

 

Paliwanag pa nito na noong taong 2011, kinatigan ng Senate Electoral Tribunal (SET) ang election protest ni Senator Pimentel na siya ang nanalo noong 2007 elections. Kaya’t pinayagan ng SET na tapusin ni Senator Pimentel ang nalalabing dalawang taon sa termino ni Zubiri.

 

Ayon kay Topacio, hindi man naumpisahan ni Senator Pimentel ang termino ngunit siya pa rin ang tumapos nito. Sakali naman aniyang hindi katigan ng Comelec ang kanyang petisyon, iaakyat niya ito sa Korte Suprema.

 

Ayon naman kay Senator Pimentel, nakahanda silang sagutin ang petisyon ni Topacio. Kumpiyansa rin ang senador na isa itong nuisance petition na maaaring i-dismiss agad ng Comelec.

 

Samantala, pag-aaralan pa ng Comelec Legal Department ang naturang petisyon. Magkakaroon din muna ng pagdinig dito bago magdesisyon ang Comelec en banc.

 

Tags: , , , ,