ALU-TUCP, hindi muna maghahain ng petisyon para sa umento sa sahod

by Erika Endraca | February 1, 2021 (Monday) | 14779

METRO MANILA – Naiintindihan ng grupo ng mga manggagawa ang situwasyon ngayong panahon ng pandemya kaya’t hindi muna sila hihiling ng dagdag sahod.

“Yung mga manggagawa at yung mga negosyante ay lubhang apektado nitong pandemic crisis na ito. Kung kaya’t sa aming assessment hindi pa napapanahon ang pag file ng wage increase petition sa panahong ito” ani Spokesperson, ALU-TUCP Alan Tanjusay.

Pero ilang mga kahilingang ang inilatag ng grupo sa pamahalaan.

Una ang pagpapatupad ng price freeze sa mga pangunahing bilihin para hindi na madagdagan ang bigat sa kanilang bulsa.

Pero dapat aniyang maging mahigpit dito ang mga otoridad para maging epektibo ito.

“Batay kasi doon sa experience natin noong nakaraang taon kahit nag order si Pangulong Duterte ng price freeze noong November 18 hanggang January 17 this year patuloy yung pagsirit ng presyo ng mga basic commodity” ani Spokesperson, ALU-TUCP Alan Tanjusay.

Ayon naman kay Labor Secretary Silvestre Bello iii, kailangang timbangin kung mayroon mang maghahain ng wage increase ngayon dahil baka lumala pa ang situwasyon at tuluyang magsara ang mga negosyo.

“Kung ako ang worker, mas gusto ko nang kumikita ako ng 400 per day kesa walang kinikita. So mas importante sa kanila yung status o security of tenure “ ani Labor Secretary Silvestre Bello.

Hiling din ng workers’ group na mabigyan pa sana sila ng 2,000 hanggang 4,000 subsidiya kada buwan para pampuno sa pang-araw-araw na pangangailangan.

Ayon naman kay Marikina Representative Stella Quimbo, may kasamang P100-B bilang ayuda sa mga manggagawa na nakapaloob sa panukalang batas na Bayanihan 3.

Ang subsidiya sa sweldo rin aniya ay magbibigay ng seguridad sa mga empleyado na hindi sila mawawalan ng trabaho.

Hiniling din ng grupo na maglagay ng mga kadiwa store at diskwento caravan sa mga lugar na pinagta-trabahuhan ng mga manggagawa para makabili din sila ng mas mababa ang presyo kumpara sa mga palengke.

Ayon sa Departement of Trade and Industry, nakikipag-ugnayan na sila para sa diskwento caravan.

Ang Department of Agriculture ay agad na maglulunsad ng kadiwa store sa susunod na linggo kung saan maraming mga manggagawa.

(Rey Pelayo | UNTV News)

Tags: , ,