Sabi nga ng ancient Greek Philosopher na si Plato, “Necessity is the mother of invention.”
Kaya sa kabila ng pagkakaubusan ng mga face mask at alcohol, hirap na makabili ng pangunahing bilihin at pananatili sa loob ng bahay dahil sa enhanced community quarantine, nakagawa ng paraan ang ilang Pilipino kung paano masasapatan ang kanilang mga pangangailangan.
Ito ang ilan sa nakalap ng UNTV News and Rescue na mga nakamamangha at nakaaaliw na posts ng ilan sa ating mga kababayan.
DIY FACE MASK
Sa Facebook video ni Glenda Reyes Matsuno, ibinahagi niya kung paano gumawa ng reusable face mask gamit ang isang pangkaraniwang panyo at panali sa buhok.
Video Courtesy: Glenda Reyes Matsuno
Iba naman ang trip ng mag-asawang Jervie at Celyn Garin: DIY face mask made of bra ang ginawa nilang proteksyon laban sa nakahahawang sakit.
Photo Courtesy: Celyn Luzong Garin
Snorkeling mask naman ang sagot ni Ezar Malvaroza dahil nagkakaubusan na ng face mask. No choice na. Kumbaga, kung anong meron, ayun na lang talaga.
Photo Courtesy: EzarMalvaroza
ORGANIZING 101
Nai-apply naman ng isang manager ang kaniyang pagiging malikhain nang ayusin niya ang bahay ng kaniyang kapatid upang maiwasang mahawa ng COVID-19.
Sa post ni Kathrina Lei Roquero-Gillesania, ipinakita niya kung paano ang ginawang mga panuntunan sa kanilang bahay sa pamamagitan ng paglalagay ng mga paalala sa bawat sulok ng kanilang tahanan.
Photo Courtesy: Kathrina Lei Roquero-Gillesania
CREATIVE DRONE USAGE
Kung ang UNTV News and Rescue ay kilala sa pangunguna sa Drone Journalism, tila napakinabangan naman ng ilang Pinoy ang kani-kanilang drone sa gitna ng ECQ.
Dahil sa mahigpit na pagbabawal lumabas ng bahay at social distancing protocol, drone ang ginamit ng ilan nating mga kababayan upang bumili ng kanilang panlamang-tiyan.
Sa post na ito niJay-ar Borcena, nakasabit ang isang note kalakip ang bayad niya upang makabili ng kape.
Photo Courtesy: Jayar Borcena
Gayon din ang ginawang solusyon ni Eric Cabas dahil hindi siya makalabas ng kanilang bahay.
Nakabili siya ng noodles mula sa tindahan ng kapitbahay. Pinalipad lamang ang kanyang drone, idinikit ang maikling sulat at ang bayad niya…..at na-enjoy ang mainit na sabaw.
Video Courtesy: Eric Cabas
Sa kabila ng hirap na nararanasan ng ating mga kababayan ngayon, hindi matatawaran ang pagiging malikhain ng mga Pinoy.
Kaya’t sa gitna man ng problema, nakangiti pa rin nating sinasalunga ito, at nakakaisip ng mga makabuluhan at nakakaaliw na solusyon upang malampasan ang ating mga suliranin. — RAJEL ADORA
Tags: Covid-19, Filipino invention