Nilinaw ng Intramuros Administration ang umanoy kawalan ng konsultasyon sa mga stake holders bago simulan ang pagtatayo ng Intramuros-Binondo Bridge.
Pinondohan ng gobyerno ng Tsina ang pagtatayo ng tulay at walang ilalabas na pera dito ang Pilipinas.
Sa pahayag ng Malakanyang nitong nakaraang linggo, hindi nito papayagang matanggal sa listahan ng UNESCO World Heritage Sites ang mga lumang simbahan sa Intramuros.
Kaya naman bilang tugon sa ilang panawagan at suwestyon ng mga stake holders, ilang plano at disenyo ang babaguhin sa tulay. Maglalaan na rin ng lugar para sa mga pedestrian at bikers.
Para maiwasan ang pagsisikip ng trapiko o congestion, ipagbabawal ang pagdaan dito ng mga trucks at iba pang malalaking sasakyan. Tanging mga kotse lang ang papayagang makadaan dito.
Sa kabila ng gagawing pagbabago sa disenyo, tuloy-tuloy lang ang paggawa ng tulay. Nilinaw din ng Intramuros Administration na walang iba pang Heritage Houses ang maaapektuhan kapag umabot na ang constrution sa Binondo side.
Isang conservation management plan ang ipinatutupad para masigurong napo-protektahan ang mga heritage sites sa Intramuros.
Makikipagpulong muli ang DPWH sa mga stake holders upang isapinal ang ilang pagbabago sa disenyo ng tulay. Inaasahang matatapos naman ang konstruksyon sa loob ng 30 buwan.
Ito rin ay makakatulong sa pagpapalakas ng turismo ng Maynila, lalo’t naka plano ang isang programa para i-promote ang Luneta-Intramuros-Binondo Tour.
( JL Asayo / UNTV Correspondent )
Tags: DPWH, heritage conservation, Intramuros-Binondo Bridge