Disaster preparedness, agrikultura at OFWs, prayoridad ni Jiggy Manicad

by Radyo La Verdad | February 6, 2019 (Wednesday) | 2963

MANILA, Philippines — Inilatag ng dating reporter, ngayon ay senatorial aspirant, Jiggy Manicad, ang mga plano nito sakaling manalong Senador sa programang Get It Straight with Daniel Razon, Miyerkules, Pebrero 6.

Sinabi nito sa programa na ang pagiging lantad sa totoong sitwasyon ng publiko ang nagtulak sa kanyang tumakbo sa 2019 midterm elections.

Dagdag pa ni Manicad, sa ilang dekada nito sa industriya ng pamamahayag ay alam nito ang ugat ng mga problema ng bansa.

Bagama’t nakapagbibigay aniya siya ng kamalayan sa publiko sa nangyayari sa lipunan, limitado lamang dito ang kanyang magagawa.

Ilan sa mga problemang nais nitong masolusyunan ay problema sa agrikultura na aniya dapat ipaubaya na lamang sa mga eksperto o agriculturist ang mga posisyon sa ahensya at huwag nang maglagay ng politiko.

Nais din nitong mapalakas ang produksyon ng mga magsasaka upang kayanin umano nilang makipagsabayan sa ibang bansa at hindi madehado sa pagpasok ng mga imported na produkto.

“Ano ba nakikita natin ngayon? Mahal ang farm inputs—pesticide, abono. Lagyan natin ng ceiling ‘yan sa presyuhan, kasi ‘yan ang mahal,” ani Manicad.

Nais din isulong ni Manicad ang pagsasaayos ng polisiya ng gobyerno tuwing may kalamidad, dahil aniya bagama’t may kapasidad ang gobyerno para tayahin kung kailan tatama ang kalamidad, hanggang sa ngayon ay hindi pa rin sapat ang ginagawang paraan sa paghahanda rito.

Pagtutuunan din ng pansin ng senatorial candidate ang mga labor issue sa mga istasyon ng gobyerno.

Ipanunukala din niyang mabigyan ng oras ang promosyon ng magandang asal sa lahat ng istasyon ng telebisyon, upang maipaunawa pa sa publiko ang kultura ng Pilipino.

Bibigyan din nito ng pansin ang pagkakaroon ng electoral reform, gaya ng paghihigpit sa tuntunin sa pagkandidato at mabigyan ang mga ito ng pantay-pantay na pagkakataon na makilala ng publiko.

Samantala, pabor si Manicad sa pagpapataw ng parusang bitay sa mga matitinding krimen, pati na rin sa paglipat ng bansa sa pederalismo basta’t wala lamang daw political dynasty.

(Rey Pelayo | UNTV News)

Tags: , ,