MALACAÑANG, Philippines – Tiwala si Budget Secretary Benjamin Diokno na hindi ibi-veto ni Pangulong Duterte ang Rice Tariffication Bill na nakatakdang maging batas sa Biyernes, February 15.
Ayon kay Diokno, nagpadala na siya ng sulat sa tanggapan ng Pangulo upang hikayatin itong pirmahan ang panukala.
“We just sent a memo to the President strongly urging the signing of the Rice Tariffication Bill. I understand there are strong lobby for veto but let’s wait. It could either lapse into law or the President will approve it but certainly a veto is not possible I think.” aniya.
Sa ilalim ng nasabing bill, aalisin ang limitasyon sa pag-aangkat ng bigas ng pribadong sektor sa bansa. Sa oras na maisabatas ito, di na mangangailangang humingi ng import license ang mga rice trader sa National Food Authority. Ito ay nangangahulugang mawawala na ang regulatory function ng NFA sa Rice Importation. Kaugnay nito, sinabi rin ni Diokno na ang Department of Finance na ang bahalang maghanap ng solusyon sa utang ng NFA na tinatayang nasa P200 billion.
Naghahanap na rin umano ng paraan ang Economic Managers ni Pangulong Duterte kung paano makatutulong sa pagpapalago ng sektor ng agrikultura.
Katunayan noong 2018, 0.1% ang naiambag ng sektor na ito sa paglago ng ekonomiya ng bansa.
“We have to put pressure on this sector to improve themselves and increase productivity because right now, they are not competitive. Our production cost is much higher than the whole price of rice for example.” saad niya.
Samantala, ilan sa mga napag-usapan sa nakalipas na Cabinet Meeting ni Pangulong Duterte ang mga paraan kung paano mapagagaan ang kabuhayan ng mga magsasaka at mangingisda, desisyong bigyan ang mga ito ng mas epektibong access sa credit at loan facilities at pagpapaigting sa agricultural productivity.
(Rosalie Coz | UNTV News)
Tags: Budget Secretary, Budget Secretary Benjamin Diokno, rice tariffication bill