Dine-in services sa mga restaurant sa Metro Manila at GCQ areas, aprubado na ng IATF

by Erika Endraca | June 12, 2020 (Friday) | 948

METRO MANILA – Simula sa June 15 ay maaari nang tumanggap ng dine in customers ang mga restaurants at fast food establishments sa Metro Manila at iba pang lugar na nasa ilalim ng General Community Quarantine (GCQ).

Ayon kay Department of Trade and Industry (DTI)  Secretary Ramon Lopez, naiintindihan umano nila ang sitwasyon ng mga empleyado ng food industry, kaya naman inihain nito ang rekomendasyon sa Inter-Agency Task Force (IATF).

Sa bisa ng resolution number 45 ng IATF, pinapayagan na ang dine in services sa kondisyon na 30% lamang ng operation capacity ang maaaring tanggapin ng isang establisyemento.

Kailangan ding sundin ang minimum health standards na ibinaba ng mga otoridad.

Kabilang dito ang pagpapatupad ng “no mask, no entry policy”, social distancing protocols at paglalagay ng 10-minute interval sa bawat customer para sa sanitation procedure sa mga upuan at lamesa pagkatapos gamitin ng isang customer.

Paglalagay ng floor mat o foot bath na may disinfectant maliban sa mga mayroon nang main entrance tulad ng mga mall.

Pagpapatupad ng one-meter distancing sa mga naghihintay na customer, may roving officer at dapat lahat ay nakasuot ng face mask.

Pagkakaroon ng calibrated thermal scanner; kapag mahigit sa 37.5 degrees celcius ang temperatura ng isang customer, o may sintomas ng virus, hindi ito pwedeng papasukin sa establisyimento .

Paglalagay ng rubbing alcohol na madaling gamitin at ng health checklist na sasagutan ng customer.

Kailangan din i-sanitized ang tables at chairs pagkatapos gamitin ng bawat customer.

Ang upuan at lamesa ay dapat isang metro ang layo sa isa’t isa sa lahat ng sides.

Pinapayagan naman ang face to face seating kung mayroong proper dividers.

Dapat ding maglagay ng floor markings para maging guide ng mga customer at food menus sa bawat table.

Ilan lamang ito sa mga dapat gawin ng magbubukas na dine-in services.

(Vincent Arboleda | UNTV News )

Tags: ,