DILG, suportado ang preventive suspension sa mga Barangay official na dawit sa mass gathering sa Cavite

by Erika Endraca | September 2, 2021 (Thursday) | 2595

METRO MANILA – Sinang-ayunan ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang desisyong preventive suspension sa mga Barangay Official sa Barangay Santiago, General Trias Cavite na nasangkot sa ‘karakol’ at mass gathering nitong nakaraang buwan (August).

Ayon kay DILG Undersecretary and Spokesperson Jonathan Malaya, mahalaga na ang mga LGU hanggang sa mga barangay ay matuto at mas maging mahigpit (enforcing health protocols) para hindi na maulit ang ganitong insidente lalo na ngayon na may community transmission na ang Delta variant.

Matatandaang kita sa isang viral video na ipinost sa social media kamakailan ang hindi pagsunod sa minimum health protocol ng mga residente sa Barangay Santiago sa ginanap na ‘karakol’ procession.

Matapos mapatunayan ang paglabag, inaprubahan ni General Trias Mayor Antonio Ferrer ang 30-day preventive suspension kina Barangay Santiago Punong Barangay (PB) Rolando Pagkaliwangan at Barangay Kagawad Joey Loyola, Francisco Solis, at Ferdinand Perdito.

Muli namang ipinaalala ng ahensiya na hindi nila kukundinahin ang sinomang lumalabag sa minimum public health standards (MPHS).

(Kyle Nowel Ballad | La Verdad Correspondent)

Tags: ,