DILG Sec. Mar Roxas, pormal nang inendorso ni Pangulong Aquino bilang pambato ng Liberal Party sa 2016 presidential Election.

by dennis | July 31, 2015 (Friday) | 1233

viber image26

Pormal nang inendorso ni Pangulong Noynoy Aquino si DILG Sec. Mar Roxas bilang standard bearer ng liberal party para sa halalan sa 2016.

Isinagawa ito sa Cory Aquino Kalayaan Hall ng Club Filipino  San Juan City kaninang umaga.

Dito rin nanumpa si dating pangulong Corazon Aquino at isinagawa ang pagtitipon ng mga miyembro ng Liberal Party para ihayag ang pagtakbo ni Pangulong Aquino noong 2009.

Sa talumpati ni Pangulong Aquino, ipinagmalaki nito ang narating na ng bansa sa kaniyang pamamahala at ipinakita rin ng Pangulo ang mga videong hindi naipakita sa kaniyang huling SONA noong nakaraang Lunes na naglalaman ng accomplishments ng kaniyang administrasyon.

Sa natitirang ilang buwan na lamang ng administrasyon ayon sa Pangulo, dalawang bagay pa ang ibig niyang magawa, una, ang matiyak na magiging mapayapa ang pagdaraos ng 2016 elections at pangalawa, ang pagtiyak na maipagpapatuloy ang mga repormang nasimulan ng administrasyon.

Dito sinabi ng pangulo na si Roxas ang ibig niyang magpatuloy sa mga nasimulan ng administrasyon.
Tinanggap naman ni Roxas ang endorsement ng Pangulo.

Ayon kay Roxas, di niya sasayangin ang tiwalang ibinigay ng Pangulo sa kaniya.

Matagal na ring ikinokonsidera ng LP si Roxas na maging standard bearer pagkatapos na magbigay daan kay dating senador at ngayon ay Pangulong Aquino noong 2010 presidential elections.

Tumakbo siya bilang bise presidente ni Pangulong Aquino ngunit natalo siya ni Vice President Jejomar Binay na noo’y mayor ng Makati.

Sa ilalim ng administrasyong Aquino, nagsilbi si Roxas bilang kalihim ng Department of Transportation and Communicatons at sa kasalukuyan ay kalihim ng Department of the Interior and Local Government.

Nagsilbi din itong senador mula 2004 hanngang 2010 sa panahon ni dating Pangulong Gloria Macapagal Arroyo.(Jerico Albano/UNTV Radio)