DILG Sec. Eduardo Año dismiyado sa ilang mambabatas ng Makabayan Bloc matapos nitong tanggihan ang pagkundina sa rebeldeng grupong CPP-NPA-NDF

by Erika Endraca | November 27, 2020 (Friday) | 14558

Dismayado si Departmet of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Eduardo Año sa ilang mambabatas ng Makabayan Bloc matapos nitong tanggihan ang pagkundina sa rebeldeng grupong CPP-NPA-NDF.

Ayon kay Sec. Año, ang pagtangging kundinahin ng Makabayan Bloc ang komunistang grupo sa mga krimeng nagawa nito ay nagpapahiwatig ng betrayal of public trust at isang insulto o pagsasawalang bahala sa halos 40,000 biktima ng communist terrorism mula pa noong 1969 kung saan libu-libong sibilyan, sundalo, at mga pulis na ang napatay.

“Ito po ay hayagang pagbubulag-bulagan sa katotohanan. As elected government officials receiving salary, emoluments and benefits from government, they are morally, ethically and legally required to denounce the communist terrorists whose main objective is to overthrow the government that they are part of,” pahayag ni DILG Sec. Año.

Sa nakalipas na Senate Committee on National Defense hearing on Red-tagging na pinangungunahan ni Senator Panfilo Lacson, ipinahiwatig ni dating Bayan Muna Partylist Representative at Bagong Alyansang Makabayan Spokesperson Teddy Casino ang hindi nito pagkundina sa CPP-NPA-NDF at hindi nila ito kinokonsiderang mga kalaban.

Dagdag pa ni Casino, hindi dapat ikonsiderang kalaban ng gobyerno ang militanteng grupo kundi dapat itong tratuhing kapwa Pilipinong dapat kausapin at ang pagkukundina sa kanila ay maaari pang magdulot ng gulo sa bansa.

Agad namang binatikos ni Año ang pahayag na ito ni Casino at sinabing ito ay malinaw na paghuhugas kamay ng CTG sa mga kalupitang ginawa nito sa ilang biktima ng karahasan sa militanteng grupo.

“Nakakakilabot na tinatawag lamang nila ang walang habas na pagpatay ng mga inosenteng tao, mga pulis at sundalo bilang isang pamamaraan para kanilang tahasang maipahayag ang kanilang agenda,” pahayag ni DILG Sec. Eduardo Año.

Pinaalala rin ng hepe ng DILG sa Makabayan Bloc na ang CPP-NPA-NDF ang may pinakamaraming nilabag na human rights sa bansa. Maliban sa ilang kaso ng pagpatay sa mga militar ng gobyerno, kilala rin ang grupo sa mga kaso ng massacre na nangyayari sa loob ng bansa kabilang na ang Inopacan, Leyte Massacre kung saan 67 ang napatay sa utos ng CPP.

Samantala, nilinaw din ni Año sa Makabayan Bloc na sa ilalim ng batas ay nararapat lamang na kondinahin ng mga miyembro ng kongreso ang sinoman o anomang grupong kumakalaban sa gobyerno kabilang na ang CPP-NPA-NDF.

(Syrixpaul Remanes | La Verdad Correspondent)

Tags: ,