DILG, pinag-aaralan ang apela na magsampa ng reklamo vs DENR officials dahil sa overcrowding sa Dolomite Beach

by Radyo La Verdad | October 28, 2021 (Thursday) | 9825

Humingi ng paumanhin ang DENR sa nangyaring overcrowding sa Manila Bay Dolomite Beach noong nakalipas na weekend.

Kasunod ng insidente, tiniyak ng Department of the Interior and Local Government na tutulong ang mga tauhan ng pulisya sa istriktong pagpapatupad ng health protocols  sa mga bisita.

Pinag-aaralan din ng kagawaran ang apela ni Manila Mayor Isko Moreno Domagoso na magsampa ng reklamo laban sa environment officials dahil sa nangyaring violation ng health measures nang dagsain ang bagong public attraction.

“Yun naman po ay mungkahi lamang ni Mayor Isko Moreno and we are taking that very seriously,” ani Usec. Jonathan Malaya, Department of the Interior and Local Gov’t.

Kinilala naman ng Philippine National Police Chief Police Gen. Guillermo Eleazar ang mga indibidwal at grupo na alerto at handang igiit ang kanilang concern kaugnay ng pagpapatupad ng health measures kontra COVID-19.

“Kami ay natutuwa at nagkaroon na ng maayos na panuntunan sa pagbisita sa Dolomite Beach sa Maynila, nagpapasalamat ang inyong PNP sa ating mga kababayan, lalo na sa netizens, na naging mapagmatyag at matapang na nagsalita laban sa lantarang paglabag sa minimum health protocols. Isa itong malaking kontribusyon kung bakit naitama ang panuntunan dito,” pahayag ni PGEN. Guillermo Eleazar, Chief, PNP.

Samantala, umapela naman si Undersecretary Benny Antiporda sa lahat ng mga bumisita sa man-made beach noong October 23 at 24 na sumailalim sa self-quarantine. Ito ay upang makatiyak na wala silang nakuhang virus nang magtungo sa dolomite beach.

Iniutos na rin ni Secretary Roy Cimatu na maalis sa pwesto si Manila Bay Task Force Commander Deputy Executive Director Jacob Meimban ng Manila Baywalk Coordinating Office (MBCO).

Ito ay upang bigyang-diin ang imbestigasyon ng Manila Bay Inter-Agency Task Force sa overcrowding incidents sa Dolomite Beach.

Papalitan ng DENR Official at Retired Army General na si Reuel Sorilla si Meimban.

“We’re not making him a sacrificial lamb, he already said that being the commander, he takes full responsibility for what happened. While appreciating the gesture of that, kailangan imbestigahan pa rin naman yung nangyari,” pahayag Sec. Roy Cimatu, Dept. Of Environment and Natural Resources

Ayon sa denr, umabot sa 121 thousand ang sightseers sa kontrobersyal na public attraction noong October 24 .

Rosalie Coz | UNTV News

Tags: , , ,