DILG, nanawagan sa 1,210 LGUs na may umiiral nang firecracker ban na maging strikto

by Radyo La Verdad | December 29, 2023 (Friday) | 9930

METRO MANILA – Nanawagan si Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Benhur Abalos sa mahigit na sa 1,200 lokal na pamahalaan sa buong bansa na may umiiral na ordinansa kaugnay ng firecracker ban.

Hinimok ng kalihim ang mga ito na istriktong ipatupad ang mga probisyon sa firecracker ban ordinances ng mga ito hanggang sa grassroots level upang matiyak ang ligtas na mga komunidad sa pagpapalit ng taon.

Ibig sabihin, hanggang sa bawat barangay, dapat na ipagbawal ang paggamit ng mapanganib na mga paputok.

Batay sa datos ng DILG, nasa 1,210 na mga lokal na pamahalaan na ang may mga ordinansang nagbabawal sa paggamit ng firecrackers sa kanilang lokalidad.

Tatlumpu’t lima sa mga ito ang kamakailan ay tumugon sa panawagan ni Secretary Abalos na magpasa ng katulad ng ordinansa.

Sa Metro Manila, 17 lungsod ang may firecracker ban ordinance.

Samantala, batay sa Philippine National Police (PNP), ilan sa mga ipinagbabawal na paputok ay 5-star, Pla-Pla, Piccolo, Goodbye Philippines, Goodbye Bading, Giant Bawang, Watusi, Atomic Triangle, Judas’ Belt, Super Yolanda, Super Lolo at Coke-In-Can.

Tags: ,