DILG, nagbabala sa publiko hinggil sa paggamit ng COVID-19 vaccination exemption cards

by Radyo La Verdad | January 20, 2022 (Thursday) | 2870

METRO MANILA – Nagbabala ang Department of the Interior and Local Government (DILG) sa publiko hinggil
sa kumakalat na COVID-19 vaccination exemption cards na ginagamit ng mga unvaccinated
individual upang makalabas ng bahay, makasakay sa public transportation at iba pang pribilehiyo.

Sa natanggap na ulat ng ahensiya, nagsimula ang pagkalat ng exemption card sa facebook pages at
group chats sa Region 11 at 12 kung saan hinihingi ang pangalan, address at pirma ng mga hindi pa nababakunahan at ito ay ipinapa-register sa kani-kaniyang Local Government Units (LGUs).

Ayon sa ahensiya, peke at hindi kailanman mag-iisyu ang pamahalaan ng exemption card liban na lamang kung may medical reasons dahil sa layuning lahat ay mabakunahan kontra COVID-19.

Pinaalalahanan naman ni DILG Secretary Eduardo Año sa local authorities na maging mabusisi sa pag-iinspeksyon upang hindi malusutan ng mga hindi pa nababakunahan.

Samantala, sinabihan naman ng kalihim ang LGUs na kilalanin ang LGU-issued vaccination card at DOH-issued VaxCertPH digital certificate sa pagsasagawa nila ng inspeksyon sa kani-kanilang nasasakupan.

(Kyle Nowel Ballad | La Verdad Correspondent)

Tags: , ,