DILG, nagbabala sa mga LGU laban sa posibleng maglitawang mga pekeng COVID-19 vaccine

by Erika Endraca | May 3, 2021 (Monday) | 749

METRO MANILA – Tinatawagan ngayon ng pansin ni DILG Secretary Eduardo Año ang mga LGU na bantayan ang posibleng pagpasok at pagkalat sa merkado ng mga pekeng COVID-19 vaccine.

Pinapaalalahan din nito ang mga public officials na mag-ingat sa kanilang kukuhanan ng supply ng bakuna lalo na ngayong nagpapatuloy ang mass vacicnation program sa bansa.

Ayon sa kalihim, bagaman hindi pa kumpirmado ang naturang ulat, dapat pa ring mag-ingat lalo na at posibleng magdulot ng masamang epekto sa kalusugan ang mga pekeng bakuna.

Ayon sa World Health Organization, ang fake vaccine na ito ay may pangalang “bnt162b2” na nagpapakilalang gawa ng Pfizer Biontech at unang nadiskubre sa Mexico

Iniimbestigahan na ng WHO ang pekeng bakuna at agad na maglalabas ng update ukol dito.

Samantala, inatasan na rin ng DILG ang Philippine National Police na mag-imbestiga at mangumpiska kung mayroon mang mapapaulat na pagpasok ng pekeng Pfizer COVID-19 vaccine sa bansa.

Paalala naman ng DILG sa publiko, sakaling may makarating sa kanilang impormasyon ukol sa pekeng Pfizer COVID-19 vaccine ay ipagbigay alam agad ito sa email address na c19vaccineopcen@gmail.com o sa numerong 09178237310.

(JP Nuñez | UNTV News)

Tags: