DILG, nagbabala sa mga kandidato na bawal ang physical contact sa panahon ng pangangampanya

by Radyo La Verdad | January 27, 2022 (Thursday) | 11285

METRO MANILA – Maagang nagbabala ang Department of Interior and Local Government (DILG) sa mga kandidato ukol sa ano mang uri ng physical contacts sa nalalapit na campaign period ngayong February 8 – March 25 para sa gaganaping Election 2022 ngayong Mayo 9.

Sa Talk to the People Address ni Pangulong Duterte, sinabi ni DILG Secretary Eduardo Año, hindi pinahihintulutan ang ano mang uri ng physical contact, mga lumalabag sa Minimum Health Public Protocols (MPHS) sa paligid ng kandidato katulad ng pagkukumpulan, pagbibigay ng pagkain, gamit, pera at iba pa.

“Ang ano mang uri ng physical contact na ito ay hindi din pinapahintulot sa mga caucuses, meetings, conventions, rallies at miting de avance base sa Citing Section 15 ng Commision on Election (COMELEC)” ani DILG Secretary Eduardo Año .

Maaari ding patawan ang mga kandidato ng paglabag sa ordinansa ng LGUs base sa Republic Act 11332 o Mandatory Reporting of Notifiable Diseases and Health Events of Public Concern.

Sa ilalim ng Comelec Resolution No. 10732, limitado ang campaign activities base sa kasalukuyang alert level status na ipinatutupad sa isang tiyak na lugar.

Inatasan din ang Philippine National Police (PNP) na panatilihing mapayapa at maayos ang nalalapit na campaign period.

(Ritz Barredo | La Verdad Correspondent)

Tags: , ,