DILG, muling nagpaalala sa mga kandidato at botante na sumunod sa umiiral na health protocols

by Radyo La Verdad | May 5, 2022 (Thursday) | 839

METRO MANILA – Sa papalapit na araw ng eleksyon, muling nagpaalala ang pamahalaan sa mga kandidato, mga taga-suporta at maging mga botante na sumunod sa minimum health protocols.

Ito’y sa kabila ng pagpapa-alala ng Department of the Interior and Local Government (DILG) sa mga LGU at mga partido na pairalin ang batas hinggil sa pangangampanya alinsunod sa COMELEC Resolution No. 10732.

Hinimok ni Secretary Eduardo Año ang mga organizer ng bawat campaign rally na palaging makipag-ugnayan sa lokal na pamahalaan at laging sundin ang health protocols.

Naatasan naman ang Philippine National Police (PNP) at mga opisyal sa bawat bayan na tiyaking dapat maipatupad ang naturang protocols.

Iginiit ni Año na malaking hamon ang eleksyon dahil aabot sa mahigit 60-M rehistradong botante ang boboto sa mga polling precincts sa buong bansa.

Ayon kay Undersecretary Jonathan Malaya, nasa 16,820 na PNP personnel ang nai-deploy na handang magbantay para sa darating na halalan habang may karagdagang 41,965 na ang nakatalaga sa 5,531 na COMELEC checkpoints. May nakaantabay namang 2 mobile force units sa bawat lalawigan habang maraming pulis ang nakatalaga sa mga 104 na mga munisipalidad at 15 na siyudad na itinuturing na COMELEC hot spots.

Maaaring bumoto ang sinomang may sintomas ng COVID-19 sa itinalagang isolation room habang mahigpit na ipinagbabawal ang nasa ilalim ng quarantine period.

Ayon kay COMELEC Commissioner George Erwin Garcia, hindi required sa mga boboto ang negative RT-PCR o rapid antigen test para makaboto.

(Daniel Dequiña | La Verdad Correspondent)