DILG, kukumpirmahin kung nakatupad ang mga LGU sa paglilinis sa kanilang mga nasasakupan

by Erika Endraca | October 1, 2019 (Tuesday) | 4086

MANILA, Philippines – Tapos na ang 2 Buwang palugit ng Department of Interior and Local Government (DILG) para sa Clearing Operation o paglilinis sa mga pangunahing kalsada na dapat isagawa ng mga lokal na pamahalaan.

Ayon kay USEC Jonathan Malaya, bumuo ng validation team ang kagawaran upang tingnan ang bawat Local Government Unit (LGU) kung nakatugon ba ang mga ito hanggang sa Sabado.

Pangunahin sa aalamin ay kung may ipinasa bang ordinansa ang mga lokal na pamahalaan gaya sa mga peryahan at terminal ng mga pampublikong sasakyan; Kung naabot ba ang kanilang target na linisin base sa kanilang imbentaryo ng mga obstruction;

Kung nalinis ba ang mga kalsada sa mga obstruction; at kung ano ang mga istratehiya para sa mga napaalis gaya ng mga vendors at basketball courts.

Pagkarapos na isagawa ang validation ay pagpapaliwanagin ang mga lokal na pamahalaan hindi nakatugon sa kanilang mandato.

Ayon kay USEC Malaya, hindi dito natatapos ang pagsasaayos sa mga LGU. Maglulunsad ito ng isang pambansang kampanya sa susunod na Linggo para isulong ang disiplina sa bawat indibidual.

Samantala, may mga lokal na pamahalaan naman aniya na nakakagawa na nito gaya ng Marikina City. Paparangalan naman ng DILG ang mga LGU at grupong susuporta sa kampanya.

(Rey Pelayo | UNTV News)

Tags: , ,