Naglabas ng direktiba ang Department of the Interior and Local Government para sa mga opisyal ng barangay hinggil sa pagpapatupad ng mahigpit na monitoring sa mga dayuhan sa kani-kanilang mga nasasakupan.
Ito ay kasunod na rin ng pagkakadiskubre ng pagawaan ng iligal na droga sa Angeles City, Pampanga na umano’y inooperate ng Chinese at Taiwanese nationals.
Ayon kay outgoing DILG Secretary Mel Senen Sarmiento, obligasyon ng mga lokal na opisyal na kilalanin at i-rehistro ang mga dayuhang bumibisita o tumitira sa barangay upang malaman kung lehitimo ang dahilan ng kanilang pananatili sa lugar.
Mahigit sa isang bilyong pisong liquid shabu at iba pang kemikal ang nasamsam ng mga otoridad matapos salakayin ang isang bahay na umano’y ginagawang shabu lab sa isang subdivision sa Sto. Domingo, Angeles City.
Pag-aari ng isang Atty.Orlando pangilinan ang bahay at pina-upahan umano sa ilang Taiwanese at Chinese nationals na nagsabing mag-aaral sa kalapit na foreign school.
Ayon kay Sec. Sarmiento, malaki ang papel na ginagampanan ng komunidad upang masugpo ang mga iligal na gawain kaya hinikayat niya ang publiko na makiisa sa kampanya ng pamahalaan.
Sa ulat ng DILG, ngayong taon lamang ay nasa 562 kilos na ng iligal na droga ang nakukumpiska sa isinagawang mga raid ngunit hindi pa kasama rito ang nasabat sa angeles city kahapon dahil hindi pa tapos ang inventory.
17,638 naman ang naaresto sa paglabag sa batas kontra iligal na droga habang 22 umano’y drug pusher naman ang napatay matapos umanong manlaban sa mga otoridad.
(Bryan Lacanlale / UNTV Correspondent)
Tags: DILG, mga dayuhang tumitira