DILG, inatasan ang mga LGU na suportahan ang Balik Eskwela 2021

by Erika Endraca | August 19, 2021 (Thursday) | 4206

METRO MANILA – Inatasan ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang lahat ng local government unit (LGU) na makiisa at suportahan ang Balik Eskwela 2021 (BE 2021) program ng Department of Education (DepEd).

Ayon kay DILG Secretary Eduardo M. Año , malaki ang magagawa na suporta ng LGU sa mga eskwelahan lalo na ngayong panahon ng pandemya.

“We cannot stop because of the pandemic which is why we urge our LGUs to assist in the BE 2021 program. Hinihiling natin sa mga LGU na tutukan din ang edukasyon, lalo na sa pagsisimula ng klase sa Setyembre 13, 2021,” ani DILG Secretary Año.

Sa bisa ng DILG Memorandum Circular (MC) No. 2021-084, hinikayat ni Año ang mga lokal na pamahalaan na suportahan ang BE 2021 upang masiguro na matuto ang mga estudyante sa kabila ng pandemya.

“Ang pakikiisa ng mga pamahalaang lokal sa BE 2021 ay isang hakbang nang pagtitiyak na sa kabila ng COVID-19 ay matututo pa rin ang ating mga kabataan,” ani DILG Secretary Eduardo M. Año.

Dagdag pa ng kalihim , maaaring makatulong ang mga LGU sa pamamagitan ng pagbibigay ng laptop, desktop computers, tablets, smartphones, internet services, at school supplies na magagamit lalo na ngayon at birtwal na ang set-up ng pag-aaral.

Nagbigay direktiba rin si Año sa mga lokal na pamahalaan na hikayatin ang mga paaralan na gawing birtwal ang opening ng BE 2021 dahil sa patuloy na pagtaas ng kaso ng mas mabagsik na Delta variant.

(Kyle Nowel Ballad | La Verdad Correspondent)

Tags: , ,