DILG at DSWD, pagpapaliwanagin ng PACC kaugnay ng mga reklamo sa ECQ financial aid

by Erika Endraca | May 5, 2021 (Wednesday) | 8918

METRO MANILA – Umabot na sa mahigit 10,000 ang natanggap na reklamo ng Presidential Anti-Corruption Commission (PACC) kaugnay sa pamamahagi ng ayuda mula sa Social Amelioration Program 1, 2 at ang pinakahuli itong ayuda mula sa national government para sa National Capital Region Plus.

Karamihan sa mga reklamo ay galing sa mga beneficiary na ipinadala sa kanilang social media page at hotline number.

Kaugnay nito, ayon kay PACC Commissioner Greco Belgica, pupulungin nila ang Department of the Interior and Local Government (DILG) at Department of Social Welfare and Development (DSWD) para hingan ng paliwanag.

“We will find out ano ba ang ginagawa nila kasi ilang tranches na yan e SAP 1, sap 2 tapos ayuda puro may reklamo pero bumbaba naman ang reklamo”ani PACC Commissioner Greco Belgica.

Nais ng pacc na malinawan kung ano ang sistema ng pamamahagi o saan nagkaroon ng problema.

“Ang nirereklamo yung mga barangay, mayor minsan nirereklamong mayor. So hindi naman nirerekamo sina secretary undersecretary hindi naman sila nirerereklamo. Pero sa amin dumarating yung reklamo kaya kami nag-iimbestiga ngayon bakit may reklamo paano ba ang sistema ninyo dyan?”ani PACC Commissioner Greco Belgica.

Tiniyak ni Belgica na hindi sila magdadalawang isip na magsampa ng kaso kapag nakakalap sila ng sapat na batayan upang magsampa ng kaso sa mga opisyal ng pamahalaan na sakop ng kanilang hurisdiksyon.

Maaring tumawag o magtxt sa PACC hotline number na 09066927324 para sa mga reklamo o magtungo sa social media page ng ahensya.

Samantala, wala pang reaksyon o tugon ang DILG at DSWD sa usaping ito.

(Dante Amento | UNTV News)

Tags: , , , ,