DILG at DSWD nagbabala laban sa mga kumakalat na text scam kaugnay sa pamamahagi ng SAP 2

by Erika Endraca | August 6, 2020 (Thursday) | 13417

METRO MANILA – Naglipana ngayon ang text messages na nanghihingi ng impormasyon tulad ng pin o reference number sa second tranche ng Social Amelioration Program (SAP).

Kaugnay nito, nagbabala ang DSWD at DILG na huwag sasagutin ang nasabing mensahe.

Huwag ibigay ang ONE-TIME-PIN (OTP) at iba pang detalye sa kaninoman para sa seguridad ng account ng benepisyaryo.

Ito ay malinaw na scam dahil hindi ipinamimigay ang mga mahahalagang detalye sa SAP account tulad ng pin.


“Hanggang sa umagang ito may naluluko sa txt dahil sa scam ng social amelioration program kami ay nanawagan as taongbayan na pa pagka nakatanggap kayo ng txt at sinsabing taga dswd na nagtxt sa inyo at kailangang ibigay niyo ang pin huwag na huwag niyong ibibigay ang pin” ani DILG Usec. Jonathan Malaya.

Samantala, sinabi naman ni DILG Undersecretary Jonathan Malaya na tatapusin ng pamahalaan ang pamamahagi ng sap sa Metro Manila sa loob ng Linggong ito.

Ang mga hindi nakatanggap noong first tranche o ang mga tinatawag na “waitliested” ay makakakuha ng P16,000.

Kasama sa mabibigyan ang mga jeepney driver na ilang buwan na ring hindi nakapamasada dahil sa community quarantine.

“Kahapon nagcommit ang dswd na ibibigay yan sa loob ng linggong ito sa lahat ng benepisyaryo so timing na timing kasi pag sinasabing MECQ hindi makapagrababaho ang tao nandyan ang national para ibigay yung second tranche” ani DILG Usec. Jonathan Malaya.

Sinabi ni malaya na malaking tulong ito sa mga pamilya na pansamantalang nawalan ng kita dahil sa muling pagsasailalim sa NCR sa MECQ.

Upang maiwasan ang hawaan sa pila ng mga benepisyaryo, lahat ng pay-out ay gagawing digital sa pamamagitan ng atm o gcash.

Sa datos ng Department of Social Welfare and Development (DWSD) noong August 4 umabot na sa P69.2-B  ang naipamahagi mula sa second tranche ng Social Amelioration Program para sa mahigit 9.77 pamilya sa bansa.

Target ng kagawaran ng mabigyan ang nasa halos 12-M pamilya bago o pagdating ng August 15.

(Dante Amento | UNTV News)

Tags: , , ,