Digital Economy ng Pilipinas, maaaring kumita ng ₱5-T sa 2030

by Radyo La Verdad | November 11, 2021 (Thursday) | 1814
Photo Courtesy: DICT

METRO MANILA – Kasabay ng digital transformation ay maaaring kumita ang digital economy ng Pilipinas ng aabot sa ₱5 trillion sa 2030 ayon sa pag-aaral na isinagawa ng AlphaBeta.

Ayon sa pahayag ni Department of Information and Communications Technology (DICT) Undersecretary Jose Arturo De Castro, ang kanilang departamento ay nakatuon sa pagdadala ng mga makabagong teknolohiya sa ating bansa.

Sinisikap nila ito upang makamit ang digital advancement at para sa ekonomiyang ginagamitan ng teknolohiya.

Ang AlphaBeta ay isang economic consultancy firm na naka-base sa Singapore, ayon sa founder at managing director nito na si Fraser Thompson sa virtual launch ng Google’s Economic Impact Report noong October 19,2021, sa pamamagitan ng ekonomiyang pinatatakbo ng teknolohiya ay mababawasan ang direktang epekto ng pandemya at unti-unting makababangon ang bansa mula sa pagbagsak ng ekonomiya.

Nakasaad sa kanilang ulat na sa taong 2030 ay maaaring lumago sa ₱5 trillion ang digital economy ng bansa. Katumbas ito ng 27% ng kabuuang Gross Domestic Product o GDP ng bansa noong taong 2020.

Karamihan sa magiging kita ay manggagaling sa mga technology-led business na maaaring umambag ng hanggang ₱3.5 trillion. Kasama rito ang mga e-commerce at mobile applications para sa retail industry na makakapagbigay ng mula 6%-15%.

Sinabi rin sa ulat na ang pagkaroon ng kahusayan hinggil sa pagsasanay at pagtuturo ng mga digital skills, pagpapabilis ang mga digital na pagbabago, at pagkakaroon ng promosyon sa mga oportunidad nito ay kailangang sundin ng Pilipinas upang makamit ang nasabing halaga ng magiging kita.

Tugon ni Usec. De Castro, patuloy nila itong gagawin nang sa ganoon ay matiyak ang digital transformation upang bumilis ang pag-unlad ng digital economy.

(Judren Soriano | La Verdad Correspondent)

Tags: