Digital banking inaprubahan na ng BSP

by Erika Endraca | November 27, 2020 (Friday) | 6451

METRO MANILA – Aprubado na ng Bangko Sentral ng Pilipinas ang pagkilala sa Digital Banking bilang isa sa panibagong uri ng pagbabangko sa bansa. Lahat ng proseso ay dadaan sa digital na pamamaraan at hindi ito magkakaroon ng pisikal na mga sangay.

Ayon kay BSP Governor Benjamin Diokno, mahalaga ang papel ng digital banking upang mas mapalawak ang access ng mga Pilipino sa mga serbisyong pampinansyal.

Layon ng BSP na 70% ng mga Pilipino na nasa hustong gulang ang dapat makapagbangko pagdating ng taong 2023.

Dahil sa panganib na kaakibat ng cybersecurity at money- laundering risks, sasailalim rin sa mga regulasyon ang digital banking at magkakaroon ito ng pangunahing tanggapan.

Pinapayagan din ang mga digital na banko na magkaroon ng mga cash agents at iba pang mga kwalipikadong service provider upang makapaghatid ng mga serbisyong pampinansyal.

Lilimitahan ng BSP ang bilang ng mga magbubukas ng mga digital na banko sa Pilipinas.

Bahagi ng Digital Payments Transformation Roadmap ng (BSP) ang hakbang na ito upang mas mapalawig ang kaalamang pampinansyal ng mga Pilipino.

(Beth Pilares | La Verdad Correspondent)

Tags: ,