Sa nakalipas na sampung taon, ang Smart at Globe lamang ang gumagamit ng mga landing station sa Pilipinas.
Pero ngayon, kabilang na ang China Telecom na malayang makagagamit nito matapos bigyan ng karapatan ng Department of Information and Communications Technology (DICT) sa isinagawang ceremonial signing bilang opisyal na third telecommunications company sa bansa kahapon.
Sa landing station, kokonekta ang submarine cable ng China Telecom upang maikonekta naman ang Pilipinas sa Hongkong at Estados Unidos.
Sa pamamagitan nito, mas mabilis at mas murang internet ang maaibibigay ng ikatlong telco sa magiging mga subscriber nito.
Batay sa pangako ng Mislatel, magbibigay sila ng hanggang 27 mbps na internet sa kanilang unang taon, mataas ito kumpara sa kayang ibigay ng Smart at Globe ngayon.
Mas mura din na serbisyo ang ibibigay ng Mislatel, 1 to 2 dollars na internet cost ang iaalok sa mga subscriber kumpara sa 7 to 15 dollars na internet cost ng Smart at Globe.
Handa namang makipag-tulungan ang Mislatel sa mga telco sa bansa upang makapag-simula ng makapagbigay ng serbisyo sa lalong madaling panahon. Kabilang dito ang tower sharing at pagbibigay ng connectivity sa mga liblib na lugar.
Kung masusunod ang timeline na binigay ng DICT, posible na sa ikalawang quarter ng taong 2019 ay magkaroon na ng subscriber ang Mislatel.
Magpapalit rin ng brand name ang Mislatel na iaanunsyo nito sa lalong madaling panahon.
( Mon Jocson / UNTV Correspondent )
Tags: China Telecom, DICT, Pilipinas