‘Di lang si Pangulong Duterte ang dapat punahin sa pagkomento sa Simbahang Katolika – Malacañang

by Radyo La Verdad | July 4, 2018 (Wednesday) | 4389

Una nang sinabi ni Pangulong Rodrigo Duterte na mananahimik muna siya sa mga isyu hinggil sa aral ng Simbahang Katolika dahil sa pagkakaroon ng dayalogo ng pamahalaan at simbahan.

Subalit ayon sa Malacañang, asahan na anomang oras ay posible pa rin itong magkomento laban sa institusyon kung hindi rin titigil sa pagpuna sa Pangulo ang ilang personalidad ng Simbahang Katolika.

Samantala, kumpirmado na ang isasagawang pulong ng Presidente ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) at ni Pangulong Duterte sa ika-9 ng Hulyo, araw ng Lunes sa Malakanyang.

Kilalang malapit sa pamilya Duterte si CBCP President Romulo Valles.

Bukod dito, nilinaw naman ni Presidential Spokesperson Secretary Harry Roque ang isyu kaugnay sa umano’y pakikipagsabwatan ng Simbahang Katolika sa Communist Party of the Philippines (CPP) laban sa administrasyong Duterte.

Ayon sa kalihim, wala siyang sinabi na nakikipagsabwatan ang simbahan sa CPP-NPA kundi posibleng nakikipag-ugnayan ang ilang miyembro nito sa mga makakaliwang grupo para pabagsakin ang administrasyong Duterte.

 

( Rosalie Coz / UNTV Correspondent )

Tags: , ,