Ipinahayag ni Foreign Affairs Secretary Perfecto Yasay sa taunang United Nations General Assembly na hindi dapat pakialaman ng ibang bansa o anumang international organization ang ginagawang pagsupil ni Pangulong Rodrigo Duterte sa kriminalidad at iligal na droga sa Pilipinas.
Ito ay dahil seryoso ang Administrasyong Duterte na linisin ang pamahalaan sa korupsyon at tapusin ang suliranin sa ipinagbabawal na gamot.
Katunayan aniya na suportado ng nakakaraming Pilipino si Pangulong Duterte ay ang pagkakamit nito ng landslide victory sa eleksyon noong Mayo habang ikinakampanyang susugpuin ang kriminalidad at iligal na droga sa bansa.
At kamakailan ay nagtamo rin ang pangulo ng 92 porsyentong approval rating.
Naging kontrobersyal ang mga binitiwang salita ni Pangulong Duterte kamakailan laban sa UN, European Union at maging sa United States of America dahil sa paglalabas ng mga ito ng pahayag laban naman sa anti-illegal drugs campaign ni Pangulong Duterte.
Noong nakalipas na linggo ay inimbitahan pa ni Pangulong Duterte ang EU at un sa Pilipinas upang mag-imbestiga sa mga human rights abuse at vigilante killings sa bansa sa kondisyong magtatanong din ang pangulo sa kanila sa isang public forum.
Nangako naman si Sec. Yasay na mananatili ang Pilipinas na responsableng bahagi ng international community at susunod sa rule of law kabilang na ang arbitral tribunal ruling kaugnay ng maritime dispute sa South China Sea.
(Rosalie Coz / UNTV Correspondent)
Tags: DFA Sec. Yasay, hinikayat ang int’l community na igalang ang pamamalakad ni Pres. Duterte sa Pilipinas