Metro Manila, Philippines – Nagbabala ang Department of Foreign Affairs (DFA) sa publiko sa mga nag aalok ng trabaho sa ibang bansa gamit ang social media gaya ng facebook, viber o whatsapp.
Iyon ay matapos ang mga kaso ng human trafficking na namonitor ng dfa partikular ng Philippine Embassy sa Baghdad.
Noong nakaraang taon, Labing Pitong kaso ng human trafficking ang naitala ng embahada ng Pilipinas sa Baghdad Iraq. Noong April 3 pinawalan ang isang Filipino na nakulong ng Tatlong buwan sa Basra Prison.
Sampung individual pa na nabiktima rin ng kaparehong modus ang nasa kustodiya ng embahada sa Baghdad simula noong Enero ngayong taon.
Ayon sa embahada, gamit ng mga sindikato ang social media, hihingan ng advance payment ang mga biktima para sa travel sa dubai kung saan may naghihintay umano sa kanila na trabaho na may malaking sweldo.
Pagdating sa Dubai mapipilitang magtrabaho ng walang bayad ang mga biktima na gamit ang tourist visa dahil bahagi umano ito ng kanilang training.
Kapag nag expired na ang kanilang tourist visa, dito na pipiliing singilin ng sindikato ang mga biktima ng 3 thousand US Dollars na ginamit umano sa kanilang deployment o kung hindi ay kailangan nilang magtabaho sa Iraq.
Paalala ng DFA maari namang tingnan ang mga iniaalok na trabaho sa abroad sa Philippine Overseas Employment Organization (POEA).