DFA, nagbabala sa mga gov’t officials na nagbebenta umano ng kanilang passport application endorsement

by Radyo La Verdad | January 31, 2018 (Wednesday) | 7994

Hindi magdadalawang isip ang Department of Foreign Affairs na sampahan ng kaso ang sinomang opisyal ng pamahalaan o government agency na mapapatunayang nagbebenta ng kanilang passport application endorsement.

Ayon kay DFA Civilian Security and Consular Concerns Undersecretary Jose Luis Montales, nakarating nasa kanila ang mga report na pinagkakaitaan at sinasamantala ito ng ilan. Kasabay ng pahirapang pagkuha ng online passport appointment.

Sa pamamagitan ng government agency endorsements, magagamit ng mga aplikante ang courtesy lanes sa pag-aaply ng passport.

Pinag-aaralan na rin ngayon ng DFA na limitahan ang mga prebilehiyong binibigay nila sa mga agensya ng pamahalaan sa pag kuha ng Philippine passporrt.

Ayaw pang pangalanan ng DFA ang mga nasabing opisyal dahil kasalukuyan na umano nila itong iniimbestigahan.

Samantala, nagbabala naman ang DFA sa publiko na huwag makikipag transaksyon sa mga nag-aalok ng passport appointment sa facebook.

Ayon sa DFA, pekeng mga application details at barcode ang mga ito at itinuturing nilang scam.

Kasalukuyan nang nakikipag-ugnayan ang DFA sa National Bureau of Investigation at PNP Anti-Cybercrime Group upang matukoy kung sino ang nasa likod ng mga fb page na ito.

Panawagan ng ahensya sa lahat ng nais kumuha ng Philippine passport ay direktang makipagtransakyon sa DFA.

 

( Grace Casin / UNTV Correspondent )

 

Tags: , ,