DFA, aminadong hirap na iproseso ang bulto ng mga nag-aapply at nagpapa-renew ng passport

by Radyo La Verdad | May 3, 2018 (Thursday) | 2628

Binuksan na ng Department of Foreign Affairs (DFA) ang online appointment slot para sa lahat ng nais na mag-apply at magpa-renew ng kanilang mga pasaporte para sa buwan ng Hulyo hanggang Setyembre.

Subalit ayon kay DFA Assistant Secretary for Consular Affairs Frank Cimafranca, sa ngayon ay dalawampung porsyento pa lamang ng slot sa naturang mga buwan ang kanilang bubuksan sa ngayon.

Paliwanag ng opisyal, ito’y dahil iniiwasan nila na mapuno ang schedule ng mga bogus na aplikante na hindi naman lehitimong kukuha ng pasaporte.

Bukod dito, hinihintay pa rin anila ang pagsisimula ng e-payment system kung saan maari nang magbayad online ang mga kukuha at magpapa-renew ng passport.

Lumabas sa ilang mga report kahapon na may ilan umanong aplikante ang nagreklamo dahil hindi pa rin nakakakuha ang mga ito ng passport appointment sa website ng DFA.

Aminado si Asec. Cimafranca na hindi pa rin perpekto ang kanilang sistema, kaya’t isang malaking hamon pa rin aniya sa ahensya ang pagpo-proseso ng bulto ng mga passport application kada araw.

Sa ngayon ay patuloy ang DFA sa pagkonsepto ng mga sistema upang mas maisaayos at mapabilis pa ang mga transaksyon sa ahensya.

Ngayong taon, walong bagong consular offices ang nakatakdang buksan ng DFA, habang hinihintay rin ang pagdating ng 4 pang mobile system na kayang makapag-proseso ng dalawang libong mga passport application sa loob ng isang araw.

 

( Joan Nano / UNTV Correspondent )

 

Tags: , ,