Destinasyon bago ang pagbook ng ride ng mga pasahero sa Grab, hindi na makikita ng mga driver

by Radyo La Verdad | April 25, 2018 (Wednesday) | 4378

Epektibo na simula sa ika-27 ng Abril ang masking destination feature sa application ng Grab.

Sa anunsyong inilabas ng Grab PH kahapon, sinabi ng counrty head nito na si Brian Cu na simula sa Biyernes, hindi na maaring makita sa job card ng mga driver ang destinasyon ng kanilang mga pasahero bago pa ma-ibook ng mga ito ang kanilang ride transaction.

Paliwanag ni Cu, ang naturang polisiya ang nakikitang nilang paraan upang mabawasan ang mga insidente ng ride cancellation, at upang madisplina rin ang mga driver na namimili ng isasakay na pasahero.

Sakop anila ng bagong regulasyon ang 75 porsyento ng populasyon ng kanilang mga driver na may mababang record ng acceptance rate.

Kaakibat nito, oobligahin naman ng Grab ang mga pasahero na ibigay ang tama at kumpletong impormasyon sa account ng isang pasahero.

Ipinagpasalamat naman ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang naturang hakbang, dahil mismong ang Grab na anila ang nakaisip ng sistema upang madisplina ang kanilang mga driver at masolusyunan ang mga isyung inirereklamo ng mga mananakay.

Ngayong araw magsasagawa ng dayalogo ang LTFRB sa iba’t-ibang mga grupo ng mga transport network vehicle services upang marinig naman ang kanilang panig at linawin ang mga isyu at reklamo na lumalaganap ngayon laban sa operasyon ng Grab.

 

( Joan Nano / UNTV Correspondent )

Tags: , ,