Desisyong bawasan ang non-working holidays ngayong 2021, ipinagtanggol ng Malakanyang

by Radyo La Verdad | March 3, 2021 (Wednesday) | 2982

METRO MANILA – Inihayag ni Presidential Spokesperson Sec. Harry Roque na ang economic team ang nagrekomendang bawasan ang non-working holidays ngayong taon.

Sa bisa ng Proclamation Number 1107, ginawa nang special working days ang November 2, December 24 at December 31, 2021 na dating mga special holidays.

Nag-react sa hakbang na ito ang oposisyon kabilang na sina Vice President Leni Robredo at Senator Risa Hontiveros at anila’y makakaapekto ito sa take-home pay ng libo-libong mga manggagawa.

Subalit ayon sa Malacañang, makatwiran lamang ang ginawang pagbabago sa holidays dahil sa mahabang panahong lumagi sa kani-kaniyang tahanan ang mga tao at lubhang naapektuhan ang ekonomiya ng bansa.

“Napakatagal na po natin nakabakasyon. Halos isang taon na tayong nagbakasyon dahil sa Covid-19. Siguro naman po ngayong nandito na ang bakuna, hayaan naman nating maka-recover tayo for lost time ‘no.” ani Presidential Spokesperson Sec. Harry Roque.

Depensa rin palasyo, upang makabawi ang ekonomiya ng bansa sa matinding epekto ng Covid-19 pandemic, kailangan ang pagkakaroon ng economic activity at bawasan ang work disruption.

Ganun pa man, nagpahiwatig naman ang palace official sa posibilidad na mabago ang desisyon lalo na’t may bakuna na at may mga paparating pang suplay sa ating bansa.

“Pero tingnan po natin kung anong mangyayari, nothing is etched in stone naman po. Tingnan natin baka naman dahil may bakuna na eh makabalik na tayo sa dati at baka hindi na natin kinakailangan maghabol pa ‘no. Pero let us have faith po on our economic team at saka ang katotohanan napakatagal na po nating nakabakasyon; iyong iba nga nawalan ng trabaho at gusto nang magtrabaho ‘no. So let’s leave it at that po.” ani Presidential Spokesperson Sec. Harry Roque.

(Rosalie Coz | UNTV News)

Tags: ,