Desisyon sa P100 hiling na dagdag sweldo, hindi pa pinal – Sec. Bello

by Erika Endraca | March 31, 2021 (Wednesday) | 9187

METRO MANILA – Nais ng labor group na Defend Jobs Philippines na dagdagan ng P100, across the board, ang sahod ng mga manggagawa sa National Capital Region (NCR).

Ngunit base sa resolusyong ipinadala ng Regional Tripartite Wage and Productivity Board sa grupo, wala sa hurisdiksyon nila ang petisyong inihain ng mga ito.

Ibinase ng wage board ang kanilang pasya sa desisyon ng Supreme Court noong 2007 kung saan nagsasabi na walang bisa ang isang kautusan kung ito ay lampas na sa hurisdiksyon ng isang ahensya.

“Skeptical kami sa statement nila na yun dahil nga ang dami ng nangyari, ang dami nang naganap pero yung mandate nila na every year dapat pag-aralan kung magtataas ba ng sahod yung mga manggagawa ay wala namang naganap na pagtaas ng sahod ng mga manggagawa” ani Defend Jobs Philippines Christian Lloyd Magsoy.

Iginiit ng Defend Jobs Philippines na kailangan na ngayon ng mga manggagawa ang dagdag na sweldo dahil sa mga nagtataasang presyo ng mga bilihin at epekto sa kanila ng pandemya.

“Eh saan ba gagamitin yung 100 pesos sa mga manggagawa kundi pambili rin ng mga pangangailangan nila na eventually makakatulong din sa mga maliliit na businesses natin at yung mga maliliit na businesses maga-avail din naman sila ng products sa mga malalaking businessses. So cycle din siya at makakatulong sa drive ulit ng ating economy” ani Defend Jobs Philippines Christian Lloyd Magsoy.

Para naman sa Associated Labor Union-Trade Union Congress of the Philippines, masakit sa kanila ang hindi pagtugon ng wage board sa hiling na dagdag sahod.

Maliit din aniya ang P1K ayuda na ibibigay ng gobyerno sa mga maaapektuhan ng muling pagpapatupad ng ECQ.

Dapat aniya ay paghandaan na ng gobyerno ang susunod na ayuda at ang pagpaparami sa mga kadiwa store at diskwento caravan para mapunuan ang nakaambang tag-gutom sa bansa.

Ayon naman kay Labor Secretary Silvestre Bello III, hindi pa nakakarating sa kanya ang nasabing resolusyon para sa pinal na desisyon.

Una nang sinabi ng Employers Confederation of the Philippines na lalong mahihirapan ang mga negosyante kung magtataas ng sahod sa panahon ito dahil sa epekto sa ekonomiya ng Covid-19.

(Rey Pelayo | UNTV News)

Tags: ,