Desisyon sa kaso ng pagkamatay ni Albuera Mayor Espinosa, ilalabas ng PNP ngayong buwan

by Radyo La Verdad | March 9, 2017 (Thursday) | 1946


Malalaman na ngayong buwan ang magiging kapalaran sa pambansang pulisya ng grupo ni PSupt. Marvin Marcos na kinasuhan hinggil sa umano’y pagpaslang kay Albuera Leyte Mayor Rolando Espinosa Sr. sa loob ng Baybay Sub-Provincial Jail noong November 5, 2016.

Ayon kay PNP-Internal Affairs Service Deputy Inspector General PDir. Leo Angelo Leuterio, ipinababalangkas na sa kanila ni PNP Chief PDG Ronald “Bato” Dela Rosa ang desisyon sa kaso para mapirmahan niya ito.

Tumanggi naman si Leuterio na ihayag ang kanilang desisyon at ipinauubaya na lamang anila kay Gen. Dela Rosa ang paghahayag nito sa publiko.

Paglilinaw pa ng opisyal, sakaling tanggalin ang mga ito sa serbisyo ay forfeited din ang lahat ng kanilang mga benepisyo kahit pa ongoing ang kanilang apela sa National Police Commission, Civil Service Commission o kung makararating pa sa Supreme Court.

(Lea Ylagan / UNTV Correspondent)

Tags: , , ,