METRO MANILA – Muling inihayag ng Department of Education (DepEd) na nais nitong madagdagan pa ang mga paaralan na makakasama sa pilot implementation ng face-to-face classes.
At dahil ibinigay na sa kagawaran at sa Department of Health (DOH) ang assessment at desisyon sa expansion ng physical classes…
Positibo si DepEd Sec. Leonor Briones na mas mapapabilis na ang kanilang proseso na maabot ang hangarin na mas marami pang paaralan at estudyante and makakalahok sa in-person learning.
“Ang presidente mismo ang nag-approve ng aming recommendation ng Department of Health kaming dalawang agencies hayaan na ang dalawang departamento na mag-decide, mag-assess ng mga additional schools na i-expand ang coverage ng pilot. Mas mabilis na siguro ang decision making.” ani DepEd Sec. Leonor Briones.
Gayunman, nilinaw ng DepEd na kahit pa man nasa kanila na ang pagdedisisyon, kailangan parin nilang magsagawa ng risk assessment sa mga eskwelahan at hintayin ang clearance ng DOH.
Samantala, inilabas na rin ng DepEd ang listahan ng 20 private schools na sasabak sa limited face-to-face classes. Tig-3 pivate schools ang magmumula sa Regions 3, 6, 10 at 12; 2 eskwelahan naman sa Region 1, gayundin sa Region 8.
Habang tig-iisang participant naman ang mangagaling sa Regions 7,9,11 at Caraga Region. Maguumpisa ang phsyical classes sa private schools sa Lunes, November 22.
“At the moment we do not have data on the number of students and teachers that will participate in this pilot schools but we already ask the supervisors to gather this data in time for the opening next week. Gaano sila kahanda? I believe they are also very ready to offer face-to-face classes infact the regional offices and the division offices have conducted and ocular inspection about the readiness of these schools.” ani Bureau of Curriculum Development Dir. Joyce Andaya.
Bukas sisimulan na rin ng DepEd ang orientation sa mga guro at staff ng 20 private schools, upang masiguro ang kahandaan nito oras na pasimulan na ang physical classes.
(Janice Ingente | UNTV News)