Desisyon ng korte sa kaso ni Sen. Trillanes, iaapela ng Duterte admin sa CA

by Radyo La Verdad | October 24, 2018 (Wednesday) | 38909

Hindi na maghahain ng motion for consideration ang Duterte administration sa desisyon ng Makati Regional Trial Court Branch 148 na huwag maglabas ng warrant of arrest laban kay Senador Antonio Trillanes.

Bagkus inihahanda na ng Office of the Solicitor General ang isusumite nitong petition sa Court of Appeals (CA).

Matatandaang denied ni Makati Judge Andres Soriano ang motion ng Department of Justice (DOJ) na ipaaresto si Trillanes kaugnay ng kasong kudeta na kinaharap nito dahil sa nangyaring 2003 Oakwood mutiny.

Una nang dinismiss ng korte ang kaso matapos mabigyan ng amnestiya ang senador sa panahon ng administrasyong Aquino.

Ayon kay Presidential Spokesperson at Chief Presidential Legal Counsel Salvador Panelo, nakatuon ang petisyong isusumite ng SolGen sa CA sa denied motion for arrest at pagsalig umano ng naturang korte sa secondary evidence sa usapin kung nakapagsumite ba ng nararapat na application sa kaniyang amnesty si Trillanes o hindi.

Bagaman una nang ipinahayag ng palasyo na ginagalang nila ang desisyon ng korte, sinabi ni Panelo na may mga desisyong lisya ang Makati RTC Branch 148.

Ayon kay Panelo, handa ang SolGen na iapela ang kaso hanggang sa Korte Suprema.

Ang mahalaga para sa Malacañang at kay Pangulong Duterte, napagtibay ng korte ang Proclamation 572 at maaaring ideklara ng isang pangulo na void o walang bisa ang isang amnestiyang ipinagkaloob na sa isang indibidwal.

 

( Rosalie Coz / UNTV Correspondent )

Tags: , ,