Desist Order laban sa kumpanyang sumasakop ng isang Ancestral Domain sa Bukidnon, inilabas ng NCIP

by Radyo La Verdad | May 5, 2022 (Thursday) | 1143

Inutusan ng National Commission on Indigenous Peoples (NCIP) ang Kianteg Development Corporation (KDC) sa pamamagitan ng isang Cease and Desist Order (CDO) na itigil na ang kanilang operasyon sa pinagtatalunang bahagi ng ancestral domain sa Quezon, Bukidnon.

Ayon sa social media post ni NCIP Chairperson Allen Capuyan, ligtas na naihatid noong April 30 ang CDO sa isa sa mga security personnel ng Kianteg na nakatokang bantayan ang pinagtatalunang 1,111 hektaryang lupain sa Barangay Butong at San Jose.

Itinuturing na tugon sa hinaing ng Manobo-Pulangihon Indigenous Cultural Community/Indigenous Peoples ang CDO upang palabasin ang lahat ng taong nag-aangkin at ilegal na naninirahan sa ancestral domain kasang-ayon sa expiration ng Forest Land Graze Management Agreement (FLGMA) at kawalan ng Free and Prior Informed Consent mula sa mga recipient ng katutubong lupain.

Matatandaang mahigit 1,000 pamilya mula sa tribong Manobo-Pulangihon ang napilitang manahan sa tabi ng national highway sa Quezon pagkatapos itaboy ng KDC noong taong 2017.

Umaasa naman si Federation of Free Farmers chairperson at dating Agriculture Secretary Leonardo Montemayor na magiging daan ang CDO upang maagang mabawi ng mga Manobo-Pulangiyon ang kanilang lupain.

Maalalang nagkaroon ng isang shooting incident sa pinag-aagawang site noong April 19, kung saan pumasok dito ang ilang miyembro ng tribo kasama ang President Candidate na si Ka Leody de Guzman.

(Andrei Canales | La Verdad Correspondent)