Dereliction of duty, kahaharapin ng LGUs na hindi ipatutupad ang Health Protocols sa Jab Sites

by Erika Endraca | August 6, 2021 (Friday) | 2439

METRO MANILA – Nagbigay ng direktiba ang Malacañang sa mga lokal na pamahalaan na tiyaking naipatutupad ang minimum health measures at crowd control sa mga vaccination center.

Ito ang binigyang-diin ng palasyo matapos dagsain ng mga tao ang ilang jab sites in Metro Manila.

Nagbabala si Presidential Spokesperson Harry Roque sa mga LGU ng kahaharapin kung magiging superspreader event ang mga lugar kung saan nagsasagawa ng mass vaccination.

“May possibility po talaga na magkaroon ng dereliction of duty so kinakailangang ipatupad po ang minimum health standards.” ani Presidential Spokesperson Harry Roque.

Sa kasalukuyan, higit na sa 10 milyong mga Pilipino ang fully vaccinated na sa bansa subalit malayo pa ito sa target na population protection ng pamahalaan.

Giit din ng Malacañang, wala pang ipinatutupad na vaccine policy at hindi kailangan ang vaccination para makakuha ng ayuda, makapagtrabaho o makalabas ng bahay.

“Wala ring katotohanan na irerequire natin ang bakuna para sa ayuda, wala pong katotohanan, lahat po ng nangangailangan, mabibigyan ng ayuda, hindi po kayo hahanapan ng proof of vaccination.” ani Presidential Spokesperson Harry Roque.

(Rosalie Coz | UNTV News)

Tags: ,