Deployment protocol ng mga pulis sa halalan, inilabas ng PNP

by Radyo La Verdad | May 4, 2016 (Wednesday) | 1327

LEA_DEPLOYMENT
Nakadeploy na ang mga pulis sa ibat ibang rehiyon na naatasang mamahala sa seguridad sa halalan sa Lunes.

Ayon kay PNP PIO Chief PCSupt. Wilben Mayor, 85% ng mga pulis sa mga Provincial Police Office, National Capital Region at National Support Unit sa mga rehiyon ang naka deploy na habang may 10% naman na ang reserved at 5% ang skeletal force.

85% din ng personnel ng national headquarters dito sa Kampo Crame o yung tinatawag na reactionary standby support force ang naghihintay pa ng deployment at magsisilbing augmentation force sa mga lugar na nangangailangan ng dagdag pwersa, may 10% din na reserved force at 5% na skeletal force na maiiwan sa mga opisina.

Sa mga municipal at city police office naman, 80% ng kanilang mga tauhan ang nakadeploy sa halalan habang 20% ang skeletal force.

Layon nito na mabantayan ng maayos ang may 36,788 na polling precinct sa araw at maging pagkatapos ng halalan.

Sinabi pa ni Mayor na todo bantay din sila sa pagtatransport ng mga Vote Counting Machine at ibang paraphernalia na gagamitin sa halalan sa iba’t ibang bahagi ng bansa.

Sa katunayan ay nasa 97.1% na ng mga Vote Counting Machine ang ligtas nang naideliver sa mga lungsod ay munisipalidad.

Bawal nila itong hawakan base sa COMELEC resolution at tanging pagbabantay lamang ang kanilang ginagawa upang masigurong ligtas na maide-deliver ang vcm.

Kinumpirma rin ng opisyal na bukod sa ARMM ay mayroon nang 200 pulis sa region 10 ang nagti training upang maging Board of Election Inspector o BEI kung kinakailangan.

(Lea Ylagan / UNTV Correspondent)

Tags: , ,