Nakikipag-ugnayan na ang Department of Education (DepEd) sa Commission on Elections (Comelec). Kaugnay ito sa proseso ng distribusyon ng honoraria sa mga guro na magsisilbing board of election tellers sa halalan.
Nakasaad sa Election Service Reform Act na hindi maaaring tumagal ng higit sa 15 araw pagkatapos ng halalan ang pagbibigay ng honoraria sa mga guro.
Ayon kay DepEd Administrative Service USEC Alain del Pascua, maaari rin na hilingin ng DepEd na taasan pa ang honorariang matatanggap ng mga guro lalo na sa mga maitatalaga sa areas of concern at election hotspots sa halalan.
Samantala, plano ng Department of the Interior and Local Government (DILG) na hilingin sa Comelec na magtakda ng extension ng paghahain ng certificate of candidacy (COC) sa mga lugar lamang na walang nagsumite ng kadidatura para sa SK elections.
Nguni’t sakaling hindi ito pahintulutan ng Comelec en banc, bubuo ang DILG ng Local Youth Development Office (LYDO) sa mga lugar na walang mahahalan sa Sangguniang Kabataan (SK).
Nakapaloob sa Sanguniang Kabataan Reform Act of 2015 ang probisyon sa pagbuo ng LYDO.
Sa huling tala ng Comelec, umabot sa 418, 906 ang nakapaghain ng COC para sa SK elections.
Ayon sa Comelec, sasapat na ang bilang na ito para mapunan ang kailangang 338, 583 SK positions na pagbobotohan sa bansa.
( Aiko Miguel / UNTV Correspondent )