METRO MANILA – Iginiit ng Department of Education (DepEd) nitong November 3, 2021 na patuloy na nagbibigay ang kagawaran ng mga load sa pampublikong mga guro sa kanilang blended learning set up sa taong panuruan 2021-2022.
Kada buwan ay namamahagi sila aniya ng mga SIM cards na naglalaman ng 34GB data para sa mga guro.
Humirit ng dagdag na ₱1,500 na internet allowance ang Alliance of Concerned Teachers dahil hindi sapat ang mga SIM cards ibinibigay ng nasabing kagawaran sa distance learning.
Tugon naman ng DepEd, sapat ang kanilang ibinibigay dahil ayon sa kanilang mga analytics consumption test, lumalabas na 1GB sa isang araw sa loob ng 30 araw ay sapat upang makatugon sa e-learning at kaya nitong suportahan ang 8 oras na video conferencing.
Matatandaan na humingi ng request ang DepEd sa Commission on Audit (COA) at Department of Budget and Management (DBM) noong 2020 na nagkakahalaga ng halos P18-B para sa internet allowance na ibibigay in cash.
Sa ilalim ng kasalukuyang budget ng kagawaran, walang ligal na basehan at pondong inilaan para sa buwanang internet allowance.
Ayon sa inilabas na COA Circular No. 2013-003 ay nakasaad na ang mga bayaring walang legal na basehan ay hindi papayagang i-audit ng COA.
Sa ngayon ay patuloy na sinisikap ng kagawaran na makipagtulungan sa mga ahensya upang matustusan ang mga guro sa kanilang pagtuturo.
(Judren Soriano | La Verdad Correspondent)
Tags: DepEd, Internet Allowance, Teachers