DepEd, nanininindigang hindi kailangan ang academic break

by Erika Endraca | April 14, 2021 (Wednesday) | 6475

METRO MANILA – Napapag-iwanan na ng ibang bansa ang Pilipinas pagdating sa edukasyon ayon sa Department of Education (DepEd).

Kaya naman nanindigan ang kagawaran na hindi magpapatupad ng academic break sa kabila ng panawagan ng ilang grupo.

Ayon kay Education Undersecretary Diosdado San Antonio, nagpapatupad naman sila ng academic ease para hindi mabibigatan kapwa ang mga guro at mag-aaral.

“Ang sinasabi rin po natin sa mga kasamang guro ay huwag masyadong mahigpit sa mga deadlines kasi nga po nauunawaan natin na masyadong mapanghamon ang ginagawa”ani Department of Education Usec. Diosdado San Antonio

Hindi rin aniya sapat na dahilan para magpatupad ng academic break ang kakulangan ng gadget para sa online learning

“Yung pong mga walang gadgets hindi rin po siya dahilan para itigil na kasi nga po alam naman natin iba-iba yung paraan sa pagpapatuto sa mga bata pwede pa rin po yung printed self-learning modules na gamitin” ani Department of Education Usec. Diosdado San Antonio.

Maging si Senator Sherwin Gatchalian ay tutol sa panawagang nationwide academic break.

Nagbabala ang mambabatas na kapag naantala pa ang edukasyon sa bansa ay magreresulta ito ng maraming titigil sa pag-aaral, learning loss at iba pa.

Pinalawig ng DepEd ang kasalukuyang school year hanggang sa July 10, 2021 dahil sa umano’y learning gaps na kailangang mapunan batay sa hinihinging essential learning competencies.

(Dante Amento | UNTV News)

Tags: ,