DepEd nanindigang kakaunting guro lang ang maapektuhan sa full implementation ng K to 12 Program

by Radyo La Verdad | April 14, 2015 (Tuesday) | 1581

IMAGE__FEB142013_UNTV-News_Tonisito-Umali_DEPED

Nilinaw ng Education Department na walong libong guro lamang sa Private Higher Education Institution ang maapektuhan sa full implementation ng K to 12 Program.

Taliwas ito sa sinasabi ng Coalition for the Suspension of K to 12 na aabot sa 50 libong guro ang mawawalan ng trabaho.

Ayon kay DepED Spokesman Assistant Secretary Tonisito Umali, hindi dapat isali ang mga guro na nasa State Universities and Colleges.

Patuloy naman ang panawagan ng DepED sa mga maapektuhang guro sa 1st and 2nd year college level na magturo sa Public Senior High School dahil nasa 30 libong guro ang kailangan ng kagawaran sa unang taon ng pagpapatupad ng Grade 11 bunsod ng inaasahang pagpasok ng 1.2 hanggang 1.6 million na mag aaral sa Junior at Senior High School level.

Ayon kay Umali, upang mapunan ang kakailanganing bilang ng guro para sa Senior high school, bibigyang pahintulot na magturo part time kahit ang mga hindi pasado sa Licensure Examination for Teachers.

Ang mga nagtuturo ng Technical and Vocational Courses ay maaari ring makapagturo sa senior high kahit hindi pasado sa LET.

Kailangan lang ang sertipikasyon na sila ay kwalipikado at may Certification of Competency.

Dagdag pa ni Umali kahit ang mga eksperto sa ilang larangan ay maari ding magturo.

Ang mga interesado ay maaring makipag ugnayan sa Department of Education. ( Victor Cosare /UNTV News Senior Correspondent)

Tags: ,