DepEd, nakatanggap ng libo-libong kumento kaugnay ng iba’t-ibang concerns sa pagbubukas ng klase kahapon

by Radyo La Verdad | June 5, 2018 (Tuesday) | 4215

Naitala ng Department of Education (DepEd) ang halos tatlong libong issues at concern simula ika-21 ng Mayo hanggang kahapon sa  pagbubukas ng klase sa kanilang Oplan Balik Eskwela public assistance command center.

Karamihan sa mga isinangguni sa DepEd ang kanilang mga katanungan kaugnay ng enrollment process ng K-10 at senior high school, enrollment requirement at transfer concerns.

May mga tumatawag din sa DepEd hotlines kaugnay ng ilang school policies at operation, proseso ng examination, mga programang laan ng DepEd sa mga mag-aaral at maging ang legal issues gaya ng change of personal records at child protection policy.

Kaagad na nakikipag-ugnayan ang DepEd central office sa mga division at regional offices ng DepEd upang maresolba ang mga isyu na may kaugnayan sa mga nasasakupan nilang lugar.

Katuwang ng DepEd ang mga miyemro ng inter-agency Task Force upang matiyak na kaagad na matutugunan ang pangangailangan ng publiko kaugnay ng balik eskwela concerns.

Ilan sa mga miyembro ng inter-agency Task Force ang DOH, DOE, DILG, MMDA, DPWH at PNP.

Sa ulat naman ni PNP chief PDG Oscar Albayalde, wala pa aniyang natatanggap na ulat ng untoward incident ang PNP monitoring center mula sa kanilang field personnel hanggang kahapon.

Nagpalagay din ito ng mga police assistance desk sa bawat paaralan. Maliban pa aniya ito sa mga security personnel na naka-assign sa mga clusters ng mga eskwelahan.

Samantala, malaking bagay para sa ilang mga magulang ang pagkakaroon ng public assistance command center lalo na kapag may kinalaman sa ligal na aspeto.

Bukas ang DepEd hotlines, email at social media accounts ng DepEd command center hanngang sa Biyernes, ika-8 ng Hunyo mula alas siyete ng umaga hanggang alas sais ng gabi.

 

( Aiko Miguel / UNTV Correspondent )

Tags: , ,