Sa Hunyo a-trese na ang opening ng klase sa mga pampublikong paaralan sa buong bansa.
Kaya muling nagpaalala ang Department of Education hinggil sa ipinatutupad na “No Collection Policy” o pagbabawal na mangulekta ng bayarin sa mga estudyanteng nag-eenrol para sa school year 2016 to 2017.
Ayon sa DEPED, tuwing panahon ng enrollment ay malimit silang nakatatanggap ng reklamo hinggil sa pangongolekta ng mga bayarin na dagdag-pahirap sa mga magulang.
Sa ilalim ng DEPED Order Number 41 series of 2012, bawal mangulekta sa mga estudyante sa kindergarten hanggang grade 5 sa buong school year.
Habang June to July naman epektibo ang ‘No Collection Policy’ para sa grade 5 to grade 10 o fourth year high school students.
Maaari lamang mangolekta ang mga schools sa Agosto ngunit dapat ay boluntaryo ito at hindi compulsory.
Kabilang sa mga bayarin na authorized ng DEPED ay ang membership fee para sa Boy Scouts at Girl Scouts of the Philippines, Anti-Tuberculosis Fund Drive, Parents-Teachers Association, school publication fee at Parents-Teachers Association fee.
Ang ‘No Collection Policy’ ay isa sa anti-poverty measures ng DEPED na layong hikayatin ang mga magulang na pag-aralin ang kanilang mga anak.
Sa ganitong paraan ay magagamit rin ng mga magulang ang kanilang pera sa mas importanteng pangangailangan gaya ng pagkain at pamasahe ng mga bata.
(Joshua Antonio / UNTV Correspondent)
Tags: DepEd, Mga paaralan, ‘No Collection Policy’