DepEd, may nakahandang 80,000 na silid-aralan sa susunod na pasukan

by Radyo La Verdad | August 31, 2018 (Friday) | 4193

Mahigit 200 bilyong piso ang nabawas sa panukalang pondo ng Department of Education (DepEd) para sa susunod na taon.

Mula sa 732 bilyong piso, mahigit 527 bilyong piso na lamang ito dahil sa bagong hybrid cash-based system ng pamahalaan.

Mula sa 44,000 na silid-aralan na plano nilang ipatayo sa susunod na taon, apat na libo na lamang dito ang kanilang mabibigyan ng pondo.

Kabilang sa mga maapektuhan ng budget cut ang basic education facilities, computerization program, indigenous peoples’ education at ang development at promotion ng campus journalism.

Ngunit ayon sa DepEd, humahanap na sila ng mga paraan upang mapagkasya ang kanilang pondo.

Tiniyak din ng DepEd na hindi magkukulang ang mga silid-aralan sa susunod na taon dahil target nilang matapos ang konstruksyon na libu-libong silid- aralan ngayong 2018.

Samantala, pabor sa mga supplier ng pamahalaan sa bagong budget system dahil siguradong mababayaran umano sila sa loob ng isang taon para sa naipatayong proyekto.

 

( Aiko Miguel / UNTV Correspondent )

 

Tags: , ,