DepEd, ilalatag ang mga bagong kondisyon para sa posibleng pagkakaroon ng face-to-face classes

by Erika Endraca | February 19, 2021 (Friday) | 4754

METRO MANILA – Mahigit 50% ng mga mag-aaral ang gusto nang magkaroon ng face-to-face classes sa bansa.

Ayon kay Education Secretary Leonor Briones, ito batay sa kanilang isinagawang survey

Kaugnay nito, nakahanda na ang DepEd para sa ipipresenta nitong plano sa susunod na IATF meeting kasama ang pangulo.

Ayon kay Sec. Briones, mayroon silang 4 na requirements para sa pilot implementation ng limited face-to-face classes.

Una, dapat ay aprubado ito ng Local Government Unit (LGU) na nasa ilalim ng Modified General Community Quarantine (MGCQ).

Kailangan din ng written consent o pahintulot ng magulang, at malapit sa health care facility ang mga paaralan.

Dapat ikonsidera rin ang transportasyon para maging ligtas ang mga bata

“Depende yan kasi yung iba it will work in high school, may iba it will work sa lower grades pero ang importante ay gagawin natin wala tayong one size fits all na lahat parepareho, we’re marching to the same draft hindi ganun at saka depende also sa assessment ng ating IATF at deparment of health” ani Department of Education Sec. Leonor Briones.

Samantala, may mga magulang naman na pabor sa physical classes dahil hindi umano nila nababantayan ang kanilang mga anak sa bahay o online learning.
Ngunit mayroon pa rin namang nangangamba sa posibilidad na mahawa ng virus ang kanilang anak.

Samantala, tiniyak naman ng pamunuan ng deped na pinag-aaralan nilang mabuti ang mga hakbang na dapat gawin para hindi malagay sa panganib ang buhay ng mga mag-aaral.

(Dante Amento | UNTV News)

Tags: ,