Nais ng Alliance of Concerned Teachers na sumailalim sa weekly antigen testing ang lahat ng estudyante, guro at school staff na lalahok sa face-to-face classes.
Ganito rin ang posisyon ng isa sa mga convenor ng Coalition for Peoples Right to Health na si Dr. Josh San Pedro.
“Kailangan ng routine checks pero hindi po kase ito nakikitang useful lamang kase yung nakasanayan natin yung pag check lang ng temperature kung may sintomas hindi siya enough para masabi talagang ligtas lalo na sa usapin ng paaralan,” ani Dr. Josh San Pedro, Convenor, CPRH.
Paliwanag ng DEPED, maaring magdulot ng trauma sa mga bata, kung regular silang isu-swab test, lalo na sa mga nasa kinder level hanggang grade 3.
Sinubukan ng UNTV News team na kunin ang pulso ng mga magulang ukol dito, at karamihan sa kanila ay hindi sangayon na palagiang i-swab test ang kanilang mga anak.
“Para sa’kin pag mga bata kase especially siguro sabihin natin mga 7 hindi siya advisable e kase kapag swab tayo ngang matatanda parang masakit para sa’tin paano pa sa kanila,” ayon kay Johna Toledo, Magulang.
“Syempre po masakit yun at tsaka feeling ko hindi rin papayag ang mga anak nun na i-swab test sila ng ganun,” ani Mercy Liza Acunin, Magulang.
Ayon kay Asec. Garma, sa halip na antigen test, hinihikayat nila ang estudyante edad dose hanggang disisyete na magpabakuna na para sa karagdagang proteksyon kontra Covid-19.
Samantala, nakapagusap na ang MMDA, DEPED at Commission on Higher Education hinggil sa planong pagbubukas ng face-to-face classes sa National Capital Region.
Ayon sa MMDA, napagkasunduan na ang bawat siyudad at bayan ay magkakaroon ng tig-isang eskwelahan na participant. Ito ang magsisilbing modelo upang makita ng lahat ng lungsod kung papaano ang magiging resulta sakaling payagan na ang pababalik ng physical classes sa mga mag-aaral sa NCR.
“Isang Local Government Unit, at least should be represented by one school—at least. Ayaw namin na may maiwan eh. Kasi you know, it will be a learning curve eh. Yung ginagawa sa eskwelahan mo na isang classroom, yung magiging ehemplo sa buong city mo. So, ayaw namin may mahuli. Ayaw naming, let’s say, out of 17, wawalo lang. Papaano naman matututo yung iba,” ayon kay Chairman Benhur Abalos, Jr., MMDA.
Sa ngayon wala pang itinatakdang petsa kung kailan magsisimula ang face-to-face classes sa Metro Manila.
Janice Ingente | UNTV News
Tags: Covid-19, DepEd, face-to-face classes, Swab test