DepEd, hihilingin sa pamahalaan na gamitin muna ang kanilang pondo sa pagpapatayo ng mga bagong school bldg. sa Marawi City

by Radyo La Verdad | October 24, 2017 (Tuesday) | 4750

Hindi dapat kasamang gumuho ng mga istraktura sa Marawi City ang kinabukasan at pangarap ng mga kabataan doon.

Ayon kay Education Sec. Leonor Briones, dapat ay buhay pa rin sa mga ito ang pag-asa na makapagtapos ng pag-aaral upang magkaroon ng magandang kinabukasan sa kabila ng naranasang hirap.

Kaya naman hihilingin ng kalihim sa Pangulo na gamitin muna ang pondong hawak nila na nakalaan sana para sa pagpapatayo ng mga bagong school building sa ibang lugar.

Sinabi ni Sec. Briones na kapag na-aprubahan ang panukalang ito ay agad nilang sisimulan ang rehabilitasyon at reconstruction ng mga paaralan sa Marawi.

Mas mahalaga aniyang unahing maitayo ang mga nasirang paaralan dito sa lalong madaling panahon.

Hindi na rin aniya sila dapat pumila sa NDRRMC para makahingi ng pondo at maghintay ng matagal dahil mahalagang makabalik agad sa eskwela ang mga batang naapektuhan ng gulo.

Bahagi ng rehabilitasyon ng mga paaralan sa Marawi ang brigada eskwela na sisimulan na sa lalong madaling panahon kasabay ng pagbisita doon ni Sec. Briones.

Bubuksan din nila ang adopt-a-school program upang mas mapabilis ang pagsasaayos ng mga nasirang paaralan sa tulong ng mga pribadong sektor.

Ipinapaabot din ng kalihim na tatanggapin nila ang mga donasyon materyales at kagamitan kaysa sa monitary donation dahil mas madali aniya ang pagkilos kung may handa nang mga gamit kaysa sa mag-audit at magliquidate ng perang donasyon.

Sa ngayon ay patuloy ang assessment ng DepEd sa mga napinsalang paaralan upang malaman kung saan sila magsisimula sa pagsasaayos nito.

 

( Aiko Miguel / UNTV Correspondent )

 

 

Tags: , ,